Bilibid drug lord, supplier ng anak ni Mayor Espinosa

Kuha ni Richard Garcia
Kuha ni Richard Garcia

Kahit nasa loob ng New Bilibid Prison, ang drug lord na si Peter Co ang supplier na pinagkukuhanan ng iligal na droga ng anak ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na si Kerwin.

Ito ang ibinunyag ni Espinosa sa paharap niya kay Philippine National Police (PNP) Director Gen. Ronald dela Rosa nang siya ay sumuko kahapon.

Dito niya itinanggi na may kinalaman siya sa kalakalan ng iligal na droga, pero inamin niyang isa talaga sa mga high value target dahil sa iligal na aktibidad na kinasasangkutan nito.

Ngunit iginiit ni Espinosa na bagaman anak niya ito, matagal na silang hindi nagkikita at wala na rin siyang kontrol dito dahil matanda na si Kerwin.

Sinabi rin ng alkalde na posibleng nakapagpa-retoke na ng mukha ang kaniyang anak upang mas makapag-tago sa mga otoridad.

Matatandaang si Co ay isa sa mga binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na mga top drug lords sa bansa, kasama nina Peter Lim at Herbert Colangco.

Mababatid na kahit nasa loob ng kulungan sina Colangco at Co, malaki pa rin ang kanilang impluwensya sa kalakalan ng iligal na droga sa loob at labas ng piitan.

Upang mapigilan na rin ang laganap na iligal na mga aktibidad sa loob ng Bilibid, itinalaga na rin ang mga Special Action Force (SAF) commandos para mahigpit na mabantayan ang mga preso.

 

Read more...