Dahil walang arrest order, Mayor Espinosa pinayagang makauwi

Kuha ni Ruel Perez

Dahil wala namang arrest order para sa kaniya, nakalabas rin ng Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Camp Crame si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Tumungo sa Camp Crame si Espinosa upang isuko ang kaniyang sarili matapos magbitiw ng 24-oras na ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanilang dalawa ng anak niyang si Kerwin na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Inamin naman ni Espinosa ang pagkakasangkot ng kaniyang anak sa iligal na gawain na ito noon pa man, at matagal na rin silang hindi nagkakausap kaya hindi na rin niya alam kung nasaan ito ngayon.

Ang alam pa aniya niya ay nagpa-retoke na ng mukha si Kerwin, at iginiit na matanda na ang anak niya para malaman ang kaniyang mga ginagawang mali.

Nang tanungin naman siya ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa kung ayos lang sa kaniya na patayin ng mga pulis si Kerwin oras na makita ito, tumango si Espinosa at pumayag.

Sa kabila naman ng paglabas ni Espinosa sa PNP Headquarters, tiniyak niyang babalik pa siya doon mamaya upang ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa mga pulis.

Mariin mang itinanggi ng alkalde ang akusasyon ng pagkakasangkot niya sa iligal na droga, may mga isiniwalat naman siya sa pulisya at isa na dito ay ang umano’y pagkuha ng supply ni Kerwin ng droga mula sa una nang napangalanang drug lord na si Peter Co.

Read more...