911 hotline, pinutakti ng prank calls

 

Sa unang araw ng opisyal na pagsisimula at paglulunsad ng emergency hotline number 911, binaha na agad ito ng tawag, ngunit karamihan sa mga ito ay pawang mga prank calls o mga nanloloko lang.

As of 11:00 pm, umabot na sa 23,126 ang kabuuang dami ng tawag sa 911 mula nang mag-simula ito ng madaling araw ng Lunes, August 1.

Ngunit, sa kabuuang bilang na ito, 2,743 ang mga prank calls o mga tumatawag lang sa 911 para testingin ito at manloko.

Aabot naman sa 7,997 ang mga dropped calls, o iyong mga ibinababa rin agad kapag nasagot na ng mga taga-tanggap ng tawag.

Gayunman, nakatanggap pa rin naman sila ng mga matitinong tawag at karamihan ay mga humihingi ng tulong para sa nangangailangan ng ambulansya, at mayroon ring mga nagre-report ng panggugulo o pangha-harass.

Samantala sa hotline 8888 naman kung saan itinatawag ang mga reklamo sa mga ahensya ng gobyerno, ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Civil Service Commission (CSC).

Karamihan sa mga natatanggap nilang tawag ay ang mga mababagal na serbisyo mula sa mga tanggapan ng gobyerno at hindi magandang pakikitungo ng mga empleyado.

Pagtapos matanggap ng mga taga-CSC ang mga reklamo, saka nila tatawagan ang kaukulang ahensya upang ang mga ito na ang gumawa ng aksyon sa kanilang mga empleyado.

Umabot na rin sa mahigit 355 ang natanggap na tawag ng 8888 sa kanilang unang araw ng pagbibigay serbisyo.

Read more...