Ayon kay Kabayan PL Rep. Harry Roque, pagdating sa botohan ay kailangan ng 3/4 o 75 percent votes para maipasa ang pag-amyenda sa Saligang Batas, tungo sa pagbago ng porma ng gobyerno sa Pederalismo.
At kung seryoso aniya si President Duterte sa paglusaw sa partylist system, sinabi ni Roque na tiyak na mawawala ang 20 percent na kumakatawan sa buong partylist group sa Mababang Kapulungan.
Ngayong 17th Congress, mula sa 292 Congressmen, 55 ang Partylist Representatives.
Ayon naman kay Ako Bicol PL Rep. Alfredo Garbin, sa pahayag ni Pangulong Duterte, maraming Partylist Solons ang magdadalawang-isip kung susuportahan ba o kokontrahin na lamang ang Cha-Cha.
Inamin ni Garbin na mula noong marinig niya ang pahayag ng Punong Ehekutibo ay napaisip siya dahil tiyak na tatamaan ang kanyang partylist, na may malawak na representasyon.
At sa mga darating na araw ay posibleng may mga Partylist Congressmen ang malabo na ring kumatig sa Cha-Cha.