Nagbabala ang pamunuan ng Philippine National Police na aarestuhin ang mga prank callers o mga manloloko sa bagong emergency hotline 911 ng pamahalaan.
Ayon kay PNP chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa, dapat maghinay-hinay ang mga gustong manloko sa nasabing emergency hotline dahil madali umano nilang matutunton ang ito.
Sa ngayon, tina-tracked ng PNP ang 304 na prank callers na naitala ng National Operation Center (NOC) mula ng buksan ang nasabing hotline kaninang alas dose uno ng madaling araw.
Batay sa isinagawang monitoring ng NOC, hanggang alas syete ng umaga kanina ay umaabot na sa 2,475 ang naitalang tawag, pero karamihan ay mga dropped calls na nasa 1,119, habang 75 lamang ang legitimate calls.
Ilan sa mga emergencies na nirespondehan ng PNP, Bureau of Fire Protection at Department of Health mula sa mga natanggap na tawag ay ang pagpapadala ng ambulansya, nag-amok, aksidente sa lansangan, harassment, sumbong hinggil sa pagtutulak ng droga at riot.
Kaninang umaga, kasabay ng ika dalawampu’t apat na taong anibersaryo ng PNP Police Community relations group ay ilunsad ang 911 at 8888 hotlines.