Nasayang nga ba ang pagkakataon na maisulong ang isang tunay, makabuluhan at pangmatagalang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Communist Party of the Philippines/New People’s Army at National Democratic Front?
May kagyat na nagsasabing, “Oo, nasayang na ang isang ginintuang pagkakataon”.
Ang kagyat na sagot na “Oo, nasayang” ay nakabatay sa mabilis na pangyayari nitong mga nakaraang araw lamang. Ano nga uli ang nangyari? Eto ang pagkakasunod-sunod: nagdeklara ng unilateral ceasefire si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA), sinagot ng NDF sa pamamagitan nina Luis Jalandoni at Jose Maria Sison na katanggap-tanggap ito, nagkaroon ng pananambang sa isang tropa ng CAFGU ng tropa ng NPA sa Davao Del Norte, nagalit si Duterte, nagbanta na babawiin ang deklarasyon ng ceasefire, sinabi ni Jalandoni na “seryosong-seryoso” ang CPP-NPA sa paghahanap ng kapayapan at iimbistigahan nila kung ano ang nangyari sa Davao del Norte, nagbigay ng ultimatum si Pangulong Duterte na magdeklara na ng tigil-putukan din ang CPP-NPA, sinabi ni Sison na hindi maaaring diktahan kahit ng pangulo pa ang isang rebolusyunaryong puwersa na tulad ng CPP-NPA, pinalawig ang deadline ng hanggang alas singko ng hapon ng Sabado, ika-30 ng Hulyo, lumampas ang deadline, binawi ang ceasefire na idiniklara ng pangulo, sumagot naman ang NDF na handa naman silang mag-deklara ng ceasefire ng alas 8:00 ng gabi ng natura ding araw, binawi na ang operational guideless sa Duterte declared ceasefire, at ang CPP-NPA-NDF, handang ituloy ang deklarasyon ng ceasefire sa ika-20 ng Agosto na.
Ang magkabilang panig ay pumuposisyon, tumindig sa kung ano ang taal na kalagayan. Gobyerno bilang gobyerno at ang rebolusyunaryong grupo, bilang isang rebolusyunaryong grupo. Hindi mo aasahan na ang pamahalaan lalo na ang pangulo mismo ay tutupi sa isang rebolusyunaryong grupo kahit pa sa kanya na rin nagmula ang malalim na pagkakaunawa sa pag-iral at pagkakaroon ng armadong pakikibaka lalo na sa mga kanayunan. Hindi mo rin dapat na asahan na yuyukod ang CPP-NPA-NDF sa pamahalaan na hindi nito kinikilala na may pangingibabaw sa kanila. Sabi ko nga, taal na posisyon ang kapwa pinangatawanan ng magkabilang panig.
May isang bagay na hindi pa binabawi at ito ang pagkakakasundo na mag-usap muli sa isang pormal na antas at ito ay magaganap pa rin sa Oslo, Norway sa ika-20 ng Agosto. Hanggang hindi binabawi ang kasunduang muling mag-usap, may pag-asa ang usapang pangkapayapaan at anumang galos o bitak ang iniwan ng pataasan ng ihi, maipagtanggol lamang ang posisyon ng bawat isa, matatabunan ng malalim na pang-unawa sa pangangailangan na isulong na ang isang makatotohanan, makatarungan at makabuluhang kapayapaan na titigil sa higit limang dekadang armadong tunggalian na kumitil na ng buhay ng napakarami, sa panig ng mga rebede, ng mga sundalo ng pamahalaan at lalung-lalo na sa hanay ng mga sibilyan.
The cost of an internal conflict cannot be measured. Sa kanyang unang SONA, nailatag ni Duterte ang kanyang malalim na pang-unawa sa kung ano ang paulit-ulit na kuwento ng kamatayan at pighati.
Para tuluyang maisulong ang usapang pangkapayapaan na ang inaasahang dulo ay pagkakasundo, ang mga susunod na hakbang ay dapat na magmula muli sa pangulo. Mas mataas ang inaasahan sa panig ng pamahalaan lalo na sa pangulong nag-alok ng kapayapaan na gawin ang lahat ng paraan para magkaroon ng katuparan ang minimithi ng maraming mamamayan lalo na sa mga kanayunan.
Ang pagkakataon na maisulong ang usapang pangkapayapaan ay totoong nasa balikat ng magkabilang panig. Ngunit ang giya at direksiyon na magtatakda ng dakilang pagkakataon ay nasa panig ng pangulo. May aasahan sa kanya na bitawang salita na sa isang punto ay nararapat para palakasin ang poder ng pamahalaan at ng kanyang pamumuno. Ngunit ang tunay na maghihiwalay sa isang pangulo at isang lider ay ang pagwaksi sa tikas ng poder at posisyon kapalit ng tapat na pag-abot ng kamay ng pakikipagkasundo para sa pinakamamimithing kapayapaan.
Kakalas lamang ang pag-asa sa pagsusulong ng kapayapaan kung ganap na kakalas sa puntong ito si Pangulong Duterte. Ngunit hanggang hindi pa, hanggang bukas pa ang pinto, nananatili ang dakilang pagkakataon para sa kapayapaan.