Kasabay ng pagdiriwang ng ika dalawampu’t apat na taong anibersaryo ng Phililippine National Police – Police Community relations group (PNP-PCRG) ay ang pagpapakilala naman sa PNP mascot na binansagang PO1 Bato na kahawig ni PNP chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Gagamitin ang PNP mascot sa mga paaralan at komunidad upang ipaalam sa mga kabataan ang kasamaan ng droga.
Hindi naman mapigilan ni Dela Rosa na mapatawa nang magsagawa ng isang dance demonstration ang mascot sa harap ng mga panauhin sa flag-raising ceremony sa Camp Crame, na layong bigyan ng mas people-friendly image ang Pambansang Pulisya.
Ayon kay PCRG chief Senior Supt. Gilberto Cruz, ang pag-promote ng imahen ng isang mas “maka-masang pulis” ay sa layong hikayatin ang mamamayan na wag katakutan ang kapulisan at maging mas aktibong partner ng PNP sa kampanya kontra droga.
Samantala, kasabay ng paglulunsad ng mascot, iprinisinta din ng PCRG ang kanilang komiks, at stuffed police dolls, na magiging available sa kabataan.
Ang paglulunsad ng bagong proyekto ng PCRG ay isinagawa sa flag-raising ceremony sa Camp Crame na pinangunahan ni PNP chief Dela Rosa, kung saan naging bisita si Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
Kaugnay nito, pormal nang inilunsad ang 911 hotline tulad ng sa Davao para sa mga tatawag para magreport ng krimen.
Available na rin ayon kay Gen. Bato ang numerong 8888 na direktang numero kay Pangulong Rodrigo Duterte para maireklamo naman ang lahat ng may kinalaman sa korapsyon sa gobyerno.