Paliwanag ni Alvarez, makakatulong ang Con-Com upang mawala ang negatibong pananaw ng publiko at kritiko ukol sa itinutulak na Constituent Assembly o Con-Ass para sa pag-amiyenda ng Saligang Batas at pagbago sa porma ng gobyerno tungong Federalim.
Sinabi ng Lider ng Kamara na sa Con-Com, dalawampung indibidwal ang mga miyembro at maituturing eksperto sa Constitutional law.
Kinumpirma ni Alvarez na kabilang sa kanyang naiisip na mangunguna sa nasabing grupo ay sina dating Chief Justice Reynato Puno, dating Senator Aquilino “Nene” Pimentel Jr., Atty. Reuben Canoy at Fr. Ranhilio Aquino ng San Beda School of Law.
Ani Alvarez, ang Con-Com ang mag-aaral, mag-rereview at gagawa ng draft ng bagong Konstitusyon, na siyang isusumite sa Con-Ass, para talakayin at himayin, hanggang sa idaan sa pag-sang-ayon ng taumbayan sa pamamagitan ng referendum.
Tiniyak naman ni Alvarez na walang malalabag na batas kung maglalabas si Presidente Duterte ng EO para sa Con-Com.
Noong nakalipas na linggo, inihayag ni Alvarez na mas gusto na ni Pangulong Duterte ang Con-Ass kaysa sa Con-Con, dahil sa usapin sa gastos.
Gayunman, umani ng pagtutol ang Con-Ass dahil magiging bukas daw ito sa pananamantala at pamamayagpag ng political dynasty.