Ito ang nilinaw ni Halili sa panayam ng Radyo Inquirer kasunod ng pahayag ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na baka gamitin sa pagtatatag ng private armed group ang mga baril na pinapaapruba sa kanya ni Halili na bibilhin ng local government ng Tanauan.
Ayon kay Halili, gusto nilang maipagpatuloy ang naumpisahan na nilang peace and order sa Tanauan sa pamamagitan ng pagbili ng dagdag na armas para sa kanilang “Citizen Armed Group”.
“Alam naman ni Sec. Roxas ang record na nagawa ko para mabawasan ang mga krimen sa Tanauan. Kulang talaga ang mga pulis kaya sana imbes na harangin ang sarili naming pondo ay kilalanin ang effort namin at payagan ang aming plano” pahayag ni Halili.
Katwiran pa ni Halili, silang mga lokal na lider ang mananagot sa kanilang mga nasasakupan kapag hindi nila nagagawa ang kanilang trabaho na panatiliin ang peace at order.
Pero gaano man katapang ang pahayag ng tinaguriang Duterte ng Southern Luzon ay kinikilala pa rin ni Halili ang awtoridad ni Roxas bilang kalihim ng DILG.
Nakiusap ito na sana ay ikunsindera ng kalihim ang kanilang hiling at masuri ang polisiya ng DILG ukol sa paggamit ng funds ng local government / Len Montano, Mariel Cruz