Ayon sa PAGASA, taglay ng bagyong Carina ang pinakamalakas na hangin na 95 kilometro kada oras at pagbugso na 120 kilometro kada oras.
Huling namataan ang bagyo sa layong 160 kilometro silangan timog silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Sakaling magpatuloy ang paggalaw nito sa hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras, magla-landfall ito sa Northern Cagayan ngayong araw.
Dahil dito, nananatiling nakataas ang public storm warning signal number 2 sa mga lalawigan ng Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao, Mt. Province, Ifugao, Kalinga, Abra at Cagayan kasama na ang Babuyan Group of Islands.
Itinaas naman ang signal number 1 sa Batanes Group of Islands, Benguet, La Union, Nueva Vizcaya, Quirino, Pangasinan, Nueva Ecija at Aurora.
Kasabay nito, nagbabala ang PAGASA ng posibleng storm surge sa mga residente na naninirahan malapit sa mga baybayin. Inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Carina bukas ng umaga.