Ilang dating matataas na opisyal ng Department of Justice (DOJ) at mga religious workers ang kabilang sa iniimbestigahan kaugnay sa umano ay pagkakasangkot nila sa mga anomalya sa New Bilibid Prisons.
Sa press briefing, sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na ilang testigo ang nakausap na nila at nagsumbong hinggil sa pagkakasangkot ng dalawang dating mataas na opisyal ng DOJ sa mga ilegal na gawin sa Bilibid.
Partikular na isinumbong ang pagtanggap ng suhol ng mga opisyal ng DOJ mula sa mga drug lords sa NBP para maprotektahan sila sa kanilang mga aktibidad.
Tumanggi naman si Aguirre na pangalanan o tukuyin ang posisyon ng sangkot na ex-DOJ officials dahil nagpapatuloy aniya ang imbestigasyon.
Maliban sa mga dating DOJ officials, sinabi ni Aguirre na nakatanggap din sila ng sumbong na may mga kinatawan mula sa religious organization ang nagpapasok ng kontrabando at prostitute sa bilibid.
Ayon kay Aguirre, ang sumbong ay mula sa mga matitinong jail guards na nagtutungo at lumalapit mimo sa DOJ para magbigay ng impormasyon.
Simula nang mag-umpisa ang mga tauhan ng Special Action Force sa pagbabantay sa NBP, nakasabat na ang mga ito ng maraming bawal na kagamitan gaya ng cellphones, drugs, matutulis na bagay, armas at mga telebisyon.
Ang nasa 162 na cellphones aniya na nakumpiska ay sumasailalim na sa forensic examination.