Sa kabila ng pananambang ng mga miyembro ng New People’s Army sa tropa ng pamahalaan sa Davao Del Norte, walang mababago sa commitment ng pamahalaan para sa usapang pangkayapaan sa komunistang grupo.
Ito ang sinabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Sec. Jess Dureza sa panayam ng Radyo Inquirer.
Ayon kay Dureza, nadismaya talaga si Pangulong Rodrigo Duterte sa naganap na pananambang lalo pa at kakadeklara lamang niya ng unilateral ceasefire sa NPA.
Gayunman, tiniyak ni Dureza na walang pagbabago sa commitment sa peace talks at tuloy ang pagsisimula ng negosasyon sa Oslo, Norway sa susunod na buwan.
Una nang sinabi ng National Democratic Front of the Philippines na hindi rin nababago ang kanilang posisyon sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.
Humingi rin ng sapat na panahon ang grupo kay Pangulong Duterte para maimbestigahan ang naganap na pananambang.