Ilang sandali lamang matapos ang kanyang National Security Meeting sa Malacañang, hinimok naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan na suportahan ang kampanya kontra iligal na droga.
Makalipas ang pagpupulong noong Miyerkules, pinangunahan naman ni Pangulong Duterte ang oathtaking ceremonies ng mga opisyal ng League of Cities at League of Provinces of the Philippines.
Paliwanag ng Pangulo sa mga dumalo sa okasyon, kung hindi siya kikilos kontra sa pagkalat ng iligal na droga, patuloy itong magiging problema ng susunod na tatlong Pangulo ng bansa.
Dahil aniya sa napabayaang problema sa droga, nawala na ang takot ng mga kriminal na gumawa ng krimen at mapanagot sa kanyang kasalanan.
Dahil dito aniya, desidido siyang supilin ang droga at ang korupsyon na kaakibat nito.
Inulit din ni Pangulong Duterte ang plano niyang gawing mga rehabilitation centers ang mga kampo ng military at ang pagtataguyod ng mga rehab centers sa maraming bahagi ng bansa upang matulungang magbago ang mga nalulong sa iligal na droga.