Army camp sa Marawi City, inatake ng mga armadong kalalakihan

 

Pinasabugan ng granada, hinagisan ng improvised explosive device at pinagbabaril ng grupo ng mga hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan ang headquarters ng Army 103rd Infantry Brigade.

Ayon sa tagapagsalitang si Lt. Col. Alexander Osop, gumamit ang mga suspek ng M203 na granada na sumabog sa loob ng isa sa mga bunkers sa loob ng kampo, dakong alas-7:00 ng gabi ng Miyerkules.

Habang iniimbestigahan aniya ng mga sundalo ang insidente, nakarinig naman sila ng teleponong tumutunog sa loob ng isang basurahan sa may bakod ng kampo.

Nang siyasatin nila ito, nakumpirma nilang isa itong improvised explosive device (IED) na pinagkasya sa isang cell phone bilang remote detonator.

Sa kabutihang palad, bagaman nag-ingay na ang detonator nito, hindi ito sumabog at hindi rin alam ng mga sundalo kung bakit.

Aniya, posibleng dahil nabasa ang IED nang umulan bago mangyari ang insidente.

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, isang mabilis na sasakyan ang biglang dumaan at pinagpuputukan ang mga rumespondeng sundalo.

Hinala nina Osop, Maute group ang nasa likod ng mga pag-atakeng ito na nasa likod ng iba’t ibang mga insidente sa Lanao del Sur.

Read more...