Terms of Reference para sa unilateral ceasefire, pinamamadali

Inquirer File Photo
Inquirer File Photo

Pinamamadali na ni Bayanmuna Partylist Rep. Carlos Zarate sa Duterte government at CPP-NPA-NDF ang pagbuo sa ‘terms of reference’ hinggil sa ceasefire na iiral habang ginagawa ang negosasyon sa pagitan ng dalawang panig.

Ito’y kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng unilateral ceasefire para sa rebeldeng komunista, sa kanyang State of the Nation Address o SONA.

Paliwanag ni Zarate, dapat nang bumuo at maglabas ng terms of reference upang mabatid ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF ang parameters na kailangang sundin.

Ani Zarate, importante na mayroong terms of reference upang hindi magkaroon ng pagmamalabis ang militar, pulisya at mga rebelbeng grupo, sa kasagsagan ng lehitimong operasyon.

Paalala ng kongresista, hindi na dapat maulit ang nangyari noon na ‘disguised’ na law enforcement ang operasyon ng mga sundalo at pulis laban sa mga rebeldeng komunista o tinatawag ding anti-insurgency operations.

Bukod naman sa paglalatag ng terms of reference, sinabi ni Zarate na isabay na rin ang pagbuhay sa joint monitoring committee na magbabantay sa pagsunod sa ceasefire ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.

Read more...