China, maglalaan ng pondo para sa kalikasan sa pinag-aagawang rehiyon

 

Naglaan ng $2.25 milyon ang China na magsisilbing environmental protection fund para sa South China Sea.

Ayon sa Xinhua State news Agency ng China, magagamit ang naturang pondo upang maglunsad ng exploration sa pinakamalalim na ‘underwater sinkhole’ sa buong mundo na matatagpuan sa Paracel Islands.

Sa loob anila ng tatlong taon, magsasagawa ang China ng scientific research sa naturang lugar at gagawa ng mga paraan upang maprotektahan ang likas na yaman at kalikasan sa lugar.

Plano ring maglagay ng 4G cellphone coverage ang China sa malaking bahagi ng South China Sea hanggang sa Spratlys.

Una nang gumastos umano ang China ng 30 milyong Yuan upang protektahan ang kalikasan sa South China Sea, batay sa report ng Xinhua.

Matatandaang inaangkin ng China ang halos 90 porsiyento ng South China Sea.

Gayunman, hindi ito sinuportahan ng Permanent Court of Arbitration sa pagsasabing walang basehan ang claim na historic rights ng China sa naturang rehiyon.

Kinastigo rin ng PCA ang pagsira sa kalikasan ng China sa mga bahura sa lugar na tinayuan nito ng mga artipisyal na mga isla.

Read more...