Rep. Panteleon Alvarez, pormal nang nahalal bilang bagong house speaker

Kuha ni Isa Umali
Kuha ni Isa Umali

Pormal nang inihalal ng mga kongresista si Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez bilang house speaker ng 17th Congress.

Sa unang araw ng sesyon para sa 1st regular session ng bagong Kongreso, 285 mula sa 292 na mga kongresista ang dumalo.

Nang madeklara na ang quorum, inumpisahan na ang nominasyon para sa speaker of the house, sa pangunguna ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas.

Mismong si dating House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang nagnomina kay Alvarez, para sa Liberal Party.

Ayon kay Belmonte, suportado ng LP si Alvarez.

Para naman sa PDP-Laban, si Rep. Eric Singson ang nag-nominate kay Alvarez, habang para sa NUP ay si Rep. Fredenil Castro at Rep. Mercedes Alvarez para sa Nacionalista Party.

Nanomina rin bilang House Speaker sina Quezon Rep. Danilo Suarez at Ifugao Rep. Teddy Baguilat.

Pero bago ang botohan, tumayo at nagtanong si Buhay Party List Rep. Lito Atienza kung sino ang naghahalal ng minority leader, dahil noong mga nakalipas na botohan ay ang ikalawang may pinakamalaking boto ay siyang otomatikong minority Leader.

Pero sagot ni Fariñas, sa section 8 ng house rules, may opsyon na ngayon ang minorya na pumili kung sino ang nais nilang maging lider.

Nominal ang isinagawang botohan, kaya isa-isang binanggit ng mga kongresista ang kanilang boto para sa speaker.

At sa botong 251, si Alvarez na ang house speaker habang itinalaga nito bilang house majority leader si Fariñas.

Si Suarez ay nakalikom ng 7 boto, habang 8 si Baguilat, habang kapuna-puna na maraming nag-abstain.

Si Alvarez ay pinanumpa ni Kabuhayan Party List Rep. Laogan, na pinakabatang kongresista ng kamara sa kasalukuyan.

 

Read more...