Nagsagawa ng inspeksyon si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa hanay ng mga tauhan ng NCRPO na nakabantay sa Commonwealth Avenue malapit sa Batasan complex.
Pasado alas 11:00 ng umaga ng dumating si Dela Rosa at nag-ikot hanggang sa IBP road kung saan nagtitipon-tipon ang mga raliyista.
Nagawa pang makipag-selfie ni Dela Rosa sa mga raliyista.
Nagulat din ang mga tao nang umakyat si Dela Rosa sa stage na ginagamit ng mga nagpoprogramang raliyista at doon binanggit niya ang pagtitiyak na hindi nila sasaktan ang mga nagpo-protesta.
Ayon kay Dela Rosa, ang mga pulis ay naroroon para protektahan ang mga raliyista at hindi para saktan.
“Ako ay nandito sa harap niyo para ipaalam sa inyo na kami po ay masaya sa inyong ginagawa. Nagpapasalamat kami. Andito kami para kayo ay aming protektahan. Andito kami para hindi kayo saktan,” sinabi ni Dela Rosa habang nakatuntong sa stage ng mga raliyista.
Kasabay nito, hiniling ni Dela Rosa sa mga raliyista nag awing mapayapa ang pagkilos.
Daan-daang raliyista ang nagpoprograma ngayon sa IBP road na wala pang 500 metro ang layo sa House of Representatives na pagdarausan ng SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.