ASEAN, bigo pa ring magkaisa sa isyu ng arbitral tribunal decision

 

Bigo ang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magkaisa sa paghahayag ng iisang testimonya sa usapin ng South China Sea dispute matapos igiit ng bansang Cambodia na iwasang talakayin ang naturang usapin.

Matatandaang kinatigan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang Pilipinas sa reklamo nito sa patuloy na pag-angkin ng teritoryo ng China sa malaking bahagi ng South China o West Philippines Sea.

Sa dayalogo ng mga foreign ministers ng 10-member ASEAN sa Vientiane, Laos, kinontra ng Cambodia ang posisyon ng nakararaming mga bansa na magkaisa na kilalanin ang naging desisyon ng Arbitral Tribunal sa naturang isyu.

Ang Cambodia ay isa sa mga bansang kaalyado ng China.

Sakaling hindi magkaisa sa kanilang posisyon, ito na ang ikalawang pagkakataon na mabibigong maglabas ng statement ang ASEAN sa loob ng 49 na taon.

Nabigo rin na maglabas ng pahayag ang ASEAN sa usapin ng South China Sea nang kumontra rin ang Cambodia noong 2012.

Sa susunod na dalawang araw, makikipag-pulong ang mga miyembro ng ASEAN kina Foreign Minister Wang Yi ng China at US Secretary of State John Kerry.

Read more...