Para patunayan na hindi puro street level na drug pushers ang naaaresto ng mga otoridad, inilabas ng Malakanyang ang pangalan ng mga big-time drug lords na naaresto sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Kabilang dito sina Jeffrey Diaz alyas Jaguar, isang top drug lord sa Cebu; Joselito Batayon, number 3 drug personality sa Laguna; Direcho Alvaro alyas Barok, top drug personality sa Bohol; Herbert Lagos, number 2 drug personality sa Valladolid, Negros Occidental; Carlos Obas Jr., number 7 drug personality sa Escalante City, Negros Occidental; at William Chua, na drug lord sa Negros Island.
Magugunitang ilang grupo ang kumukwestyon sa pinaigting na kampanya ng Philippine National Police kontra illegal na droga.
Karamihan kasi sa mga napapatay ay pawang mga street level pushers.
Gayundin ang mga sumusuko sa Oplan Tokhang ng PNP ay pawang mga small time users at pushers umano.
Biyernes ng umaga nang mapatay sa operasyon ng PNP-AIDG ang big-time Chinese drug personality na si Meco Tan sa Valenzuela City.