Nagkaroon ng maliit na sunog sa session hall ng Batasan Pambansa, ilang araw bago ang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 25.
Sa imbestigasyon ng house officials, naganap ang insidente dakong 11:30 am.
Tinesting umano ng tauhan ng Sound Concept ang LED wall na gagamitin sa SONA.
Pero bigla raw nasunog ang cable matapos ikabit sa main breaker sa 3rd gallery ng session hall.
Nabatid na ang cable na nasunog ay papunta sa LED screen na nasa pinaka-session hall sa ground floor.
Dahil dito, umusok at nagtrip ang ilang linya ng kuryente sa main building kaya napasugod ang BFP.
Sa kabila ng insidente, wala namang malaking pinsala dahil hindi carpeted ang 3rd gallery.
Kinumpiska naman ng BFP ang nasunog na cable na hindi na rin mapapakinabangan matapos masunog.
Ang Sound Concept ay inarkila ng RTVM para sa lighting at LED screen na gagamitin sa SONA ni Pangulong Duterte sa Lunes.