(updated) Pinalawig pa ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang rainfall warning na inilabas sa apat na lalawigan kalapit ng Metro Manila.
Sa advisory ng PAGASA, tuloy-tuloy ang nararanasang malakas na buhos ng ulan sa mga lalawigan ng Zambales, Tarlac, Nueva Ecija at Pampanga.
Nagbabala ang PAGASA ng posibleng pagbaha sa mga mababang lugar sa apat na lalawigan.
Samantala, light hanggang moderate na pag-ulan naman ang nararanasan sa Famy, Siniloan, Sta.Maria, at Mabitac sa Laguna; Real, Quezon, Bagac, Mariveles at Limay sa Bataan ay sa bahagi ng Bulacan at Rizal.
Dahil naman sa masamang panahon, anim na domestic flights ang kanselado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa advisory ng NAIA, kanselado ang apat na biyahe ng PAL Express sa NAIA terminal 3 at dalawang biyahe ng Skyjet sa NAIA terminal 4.
Kabilang dito ang flights 2P 2084 at 5084 na biyaheng Manila to Basco at flights 2P 2085 at 5085 na biyaheng Basco to Manila ng PAL Express.
Kanselado din ang M8 815 Manila to Basco at M8 816 Basco to manila ng Skyjet.
Pinapayuhan ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa mga airline companies upang agad silang mai-rebook sa susunod na available na flight./ Dona Dominguez-Cargullo