5 pulis sa rubout sa Maynila, hindi itinuturing na wanted

11748802_10153150544008318_931150806_n
Kuha ni Jan Escosio

Nilinaw ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na hindi tinatratong ‘wanted’ ang limang pulis na sangkot sa pamamaril sa isang tricycle driver sa Sampaloc Maynila.

Ayon kay Supt. Marissa Bruno, tagapagsalita ng MPD wala pa naman kasing warrant of arrest na nailalabas laban sa limang pulis.

Binigyang-diin pa ni Bruno, na anumang oras ay maaring lumitaw o sumuko ang limang pulis. Paliwanag ni Bruno, naisampa naman na ang reklamong murder sa limang puis at iiral na ang proseso ng batas laban sa kanila.

Sa ngayon ay hindi pa rin nagpapakita ang limang pulis ng Gulod Police Community Precinct sa pangunguna ni P/Sr. Insp. Rommel Salazar at mga kasama na sina PO3 Ferdinand Valera, PO1 Ronald Dipacina, PO1 Rhoel Landrito at PO1 Domar Landoy.

Samantala, nanindigan ang pamilya ng biktimang si Robin Villarosa na wala itong kinasasangkutan na kahit na anong krimen.

Ayon kay Jackilyn Josue, live-in partner ni Villarosa, tanging ang pagbiyahe ng tricycle ang pinagkakakitaan ni Robin at pinagkukunan nila ng panggastos araw-araw.

Dahil sa pagkamatay ng ka live-in, hindi alam ni Josue kung paano tutustusan ang pangangailangan ng kanilang anak na apat na taong gulang at isang sanggol.

Umapela si Josue na agad maibigay sa kanila ang hustisya. “Wala po siyang kinasangkutan na kahit na anong kaso. Nakakalungkot po kasi kitang-kita po sa CCTV sumuko siya patunay na wala siyang ginawang kasalanan, pero binaril pa din po siya,” ayon pa kay Josue.

Sinabi ni Josue na nagpa-abot naman na sa kanila ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamamagitan ni Vice Mayor Isko Moreno, habang si Interior Sec. Mar Roxas ay nangakong tutulong sa pag-aaral ng dalawa niyang anak./ Ruel Perez

Read more...