1920s theme party ng LRTA, ipinagtanggol

LRTA party via nato reyes
Contributed Photo by Renato Reyes

Pasok sa itinaktang budget ng Commission on Audit (COA) ang ginastos ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa pagdiriwang nila ng ika-35 Anibersaryo na ginanap noong July 10, 2015 sa Manila Grand Opera Hotel sa Sta. Cruz Maynila.

Ito ang depensa ni LRTA Spokesperson Atty. Hernando Cabrera kasunod ng batikos ni Bagong Alyansang Makabayn (BAYAN) Secretary General Renato Reyes sa umano ay magarbong “20’s theme party” ng mga empleyado ng LRTA sa kabilang matinding sakripisyo naman na dinaranas ng mga pasahero ng LRT dahil sa palpak na serbisyo ng mga tren araw-araw.

Bagaman inamin ni Cabrera na taun-taon ay may tema silang sinusunod sa pagdiriwang ang anibersaryo ng LRTA, hindi naman aniya totoong sila ay gumagastos ng sobra-sobra para dito.

Ang “Roaring 20s” na tema para sa taong ito ay napagdesisyunan aniya ng organizing committee. Ginagawa aniya ito ng LRTA bilang dagdag kasiyahan sa pagdiriwang.

Sinabi ni Cabrera na pasok sa halagang pinapayagan ng COA ang ginastos ng LRTA para sa nasabing pagdiriwang. “To add fun sa celebration, talagang taun-taon nag-iisip ng theme ang organizing committee at ang ginastos pasok sa limit na pinapayagan ng COA, kasama sa budget iyan na audited ng COA,” sinabi ni Cabrera.

Humingi rin ng pang-unawa si Cabrera sa mamamayan dahil aniya isang beses sa isang taon lamang naman ito nagagawa ng mga empleyado ng LRTA na buong taon subsob sa trabaho.Sinabi ni Cabrera na halos walang pahinga sa trabaho ang mga empleyado ng LRTA dahil kahit nga umuulan o bumabagyo pa ay pumapasok sila at nagseserbisyo sa mga pasahero.

Sa nasabing party, ang mga empleyado ay hinikayat na mag-costume na base sa temang “20s”. Ang may pinakamagandang costume para sa araw na iyon ay may pabuya mula sa LRTA.

Sa kaniyang pahayag sinabi ni Reyes na taun-taon ay batay sa iba’t ibang theme ang selebrasyon ng anibersaryo ng LRTA. Noong 2013 ay “Cosplay” aniya ang tema habang “Mardi Gras” naman noong 2014./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...