Simula sa Lunes ay balik na sa normal na operasyon ang lahat ng mga bangko sa Greece.
Bukod sa bailout na nagkakahalaga ng 85 Billion Euros ($95Billion) ay dinagdagan pa ng European Central Bank ng $900Million ang kanilang economic package para Greece matiyak lamang na magiging maayos ang takbo ng banking system sa bansa.
Sa kabila ng bailout, sinabi ng Moody’s credit rating agency na hindi nangangahulugan na hindi na pwedeng bumagsak ang ekonomiya ng Greece.
Ayon sa Moody’s, maliit ang 85-Billion na bailout package kumpara sa kanilang utang sa mga creditors na aabot sa 320Billion Euros.
Tagilid din sa kasalukuyan ang administrasyon ni Greek Prime Minister Alexis Tsipras dahil hindi nagustuhan ng kanyang mga kapartido ang ilang mga kundisyon kapalit ng bailout.
Bukod sa kaltas sa halaga ng pension ng mga retirees ay humirit din ang International Monetary Fund at European Central Bank ng dagdag na Value Added Tax para sa mga produkto at serbisyo sa Greece bukod pa sa mas mataas na interest rate.
Aminado si Interior Sec. Nikos Voutsis na hindi kumportable ang mga Greek sa naturang austerity measures kapalit ng malaking utang./ Den Macaranas