Ombudsman, Sandiganbayan Justice, dapat magbitiw matapos ipawalang-sala ng SC si Arroyo

Inquirer File Photo
Inquirer File Photo

Hinamon ni Atty. Romulo Macalintal si Ombudsman Conchita Carpio-Morales at mga Mahistrado ng Sandiganbayan na magbitiw sa pwesto.

Ito ay matapos na ipawalang-sala ng Korte Suprema sa kasong plunder si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal – Arroyo.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Macalintal iginiit ng Ombudsman na marami at may sapat na ebidensya sila laban kay Arroyo sa kasong may kaugnayan sa maanomalyang paggamit ng pondo ng PCSO.

Napatunayan din ng Sandiganbayan na may sapat na batayan para isailalim siya sa paglilitis dahilan para makulong ang dating pangulo sa pamamagitan ng hospital arrest.

Sinabi ni Macalintal na napakalaking bagay at usapin ng naging pasya ng Korte Suprema nang sabihin nitong mahina ang kaso laban kay Arroyo.

“This is a very big case, kung ako halimbawa ang Ombudsman o Sandiganbayan, I will resign! Napakalaking bagay nito na ipinagpilitan kong may malaki akong ebidensya tapos ibinasura ng Korte Suprema,” ani Macalintal.

Nagtataka si Macalintal na iginigiit ng Ombudsman na malakas ang ebidensya nilang nagkaroon ng sabwatan para waldasin ang PCSO funds pero tanging si Arroyo lamang ang nakulong habang ang ibang sinasabing kasabwat niya ay napayagang magpiyansa.

Sinabi ni Macalintal na dapat sa umpisa pa lamang ay nakita na ng Sandiganbayan na mahina ang ebidensya na isinumite ng Ombudsman.

 

 

Read more...