Australian TV host, binatikos dahil sa pagnanais na i-ban ang mga Muslim sa kanilang bansa

 

Umani ng pagbatikos sa social media lalo na sa Twitter, ang pahayag ng isang TV host sa Australia na si Sonia Kruger tungkol sa mga Muslim.

Sa isang TV show kung saan siya ay isang co-host, inere ni Kruger ang kaniyang opinyon tungkol sa kanilang pinag-uusapang column ng isang journalist na nagsabing inaatake ng terorismo ang France dahil masyado itong maraming tinanggap na Muslim.

Ani Kruger, may “significant correlation” ang dami ng mga Muslim sa isang bansa at ang dami ng krimen na may kinalaman sa terorismo na nararanasan doon.

Sunod niyang iminungkahi na itigil na ng pamahalaan ng Australia ang pag-tanggap ng mga Muslim migrants sa kanilang bansa para naman maramdaman nilang ligtas sila sa tuwing idinaraos nila ang Australia Day.

Sinubukan ng kaniyang mga co-host na awatin o ibahin ang usapan para mapigil si Kruger sa kaniyang mga anti-Muslim na komento, ngunit hindi ito nagpa-awat.

Giit ni Kruger, nakatitiyak siya na maging ang mga pamilya ng mga nasawi sa Nice attack ay pareho rin ang nararamdaman tungkol sa isyung ito.

Halata rin na napikon ang isa sa kaniyang mga co-hosts na si Lisa Wilkinson at ipinaliwanag na sa mga terorismong nagaganap, maraming mabubuting Muslim rin ang nasasawi.

Inihalintulad pa ni Wilkinson ang ideya ni Kruger sa “Donald Trump approach” na gusto ring isara ang mga pinto ng Amerika sa mga Muslim.

Read more...