Yan ang aasahan sa kauna-unahang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 25, 2016.
Sa isang press conference, sinabi ni Presidential Communications Office o PCO Assistant Secretary Ramon Cualoping, taliwas sa mga nakalipas na SONA ng mga nagdaaang Presidente, wala gaanong drama ang kay Duterte.
Sa halip, sesentro ang ulat sa bayan sa mga polisisya para sa susunod na anim na taong pamumuno ni Duterte bilang Punong Ehekutibo.
Dagdag ni Cualoping, ang SONA ni Pangulong Duterte ay posibleng kasing haba lamang ng kanyang inagurasyon noong June 30, 2016, pero tiyak na hindi magiging stiff ang ulat sa bayan.
Nilinaw naman si Director Brillante Mendoza na hindi niya didiktahan si Pangulong Duterte hinggil sa mga dapat nitong gawin sa SONA.
Ayon kay Mendoza, ang director ng Duterte SONA, ang papel niya sa okasyon ay tiyaking ma-capture o makukuha ng camera ang importanteng anggulo sa presensya ng Pangulo.
Dagdag nito, sisiguraduhin niyang makaka-konek si Duterte sa mga tao, at mauunawaan ng mga manunuod kung ano ang gusto nitong mangyari o sabihin sa talumpati.
Naniniwala naman si Mendoza hindi ang kasuotan ng mga bisita ay ang purpose ng SONA, ang mahalaga ay ang talumpati ng Pangulo.
Sina Cualoping at Mendoza ay nasa Batasan Complex kanina, kasama si PCO Secretary Martin Andanar, upang mag-ocular inspection, ilang araw bago ang mismong SONA ni Duterte.