Magbubukas ng maraming oportunidad para sa Pilipinas ang pagho-host ng bansa sa susunod na Miss Universe pageant.
Ayon kay Leyte Rep. Yedda Romualdez, na dating beauty queen, tiyak na magkakaroon ng mas maraming international events sa bansa, lalakas ang turismo, magbibigay ng maraming trabaho at dagdag foreign invetsments, at mai-aangat ang National pride kapag sa Pilipinas naisagawa ang prestihiyosong beauty contest.
Dagdag ni Romualdez, siguradong maraming Pilipino ang matutuwa kung isasagawa ang Miss U sa Pilipinas, lalo’t kilala ang ating bansa bilang ‘pageant crazy nation.’
Binigyang-diin pa ng Congresswoman na sa pag-host ng event, masasabing panalo ang Pilipinas dahil maipapakita nito ang ating bansa bilang isang ‘prosperous, peaceful and orderly nation.’
Aniya pa, dapat suportahan ang mga beauty pageant dahil ikinakampanya nito ang magagandang adbokasiya at nagpapamalas ng global humanity at humility.
Si Romualdez ay kinoronahan noon bilang Binibining Pilipinas International 1996.
Nauna nang sinabi ni Tourism Secretary Wanda Teo na ‘approved in principle’ ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang isagawa sa Pilipinas ang Miss Universe pageant, lalo’t ang reigning queen ay si Pia Wurtzbach.
Sa naunang ulat, sakaling matuloy ang Miss U sa Pilipinas, maaaring ang segments nito ay gagawin sa Palawan, Boracay at Cebu.