Tatlong mga pulis ang kumpirmadong nasawi habang tatlong iba pa ang sugatan naman sa pamamaril na naganap sa Baton Rogue sa Louisiana, araw ng Linggo.
Ayon kay East Baton Rogue Sheriff’s Office spokeswoman Casey Rayborn Hicks, isang suspek rin ang napatay habang naniniwala sila na may dalawang iba pang suspek ang nakatakas.
Naganap ang pamamaril dakong alas-9:00 ng umaga, isang milya ang layo mula sa police headquarters.
Nitong mga nagdaang araw, tila lalong umiigting ang tensyon sa lungsod at sa bansa sa pagitan ng black community at ng mga pulis, gayunman hindi naman natukoy ang lahi ng mga pulis at mga suspek.
Ayon naman kay Baton Rouge Police Sgt. Don Coppola, dinala sa lokal na ospital ang mga pulis at hinigpitan na rin ang seguridad sa paligid ng pinangyarihan ng insidente.
Pawang mga pulis mula sa Baton Rouge Police Department at East Baton Rouge Sheriff’s Office ang nasangkot sa insidente.
Lumala ang tensyon sa pagitan ng mga pulis at komunidad matapos mapatay ng mga white officers ang isang black American sa isang kaguluhan sa convenience store.
Nakuhanan ito ng video at nag-viral pa sa internet, habang sinundan naman ito ng pagkamatay ng isa na namang black man sa Minnesota at ng pamamaril ng isang black gunman sa Dallas na ikinasawi ng limang pulis.