Ayon kay Atty. Dennis Wagas, hepe ng MPD Legal Division, kasama sa mga ipinagharap ng reklamong murder sa Manila Prosecutor’s Office sina Gulod Police Community Precinct (PCP) commander Senior Inspector Rommel Salazar; PO3 Ferdinand Valera; PO1 Ronald Dipacina; PO1 Rhoel Landrito at PO1 Diomar Landoy.
Sinabi rin ni Wagas na naglunsad na ang MPD ng manhunt operations para hanapin ang lima nilang kasamahan na sangkot sa pagpatay sa isang tricycle driver dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ang lumalantad sa punong tanggapan ng MPD.
Kasabay nito, may itinalaga na rin ang MPD na negotiating team na direktang makipagnegosasyon sa mga pulis.
Ayon naman kay Chief Supt. Rolando Nana, hepe ng Manila Police District, nagtalaga na sila ng mga tracker team para hanapin ang limang pulis matapos mabigo ang mga itong personal na isuko ang kanilang sarili.
Naging kontrobersyal ang insidente matapos makita sa CCTV footage na binabaril ng malapitan ng mga naturang pulis ang biktimang si Robin Villarosa kahit pa nakataas na ang kanyang mga kamay na indikasyon ng pagsuko. / Erwin Aguilon