8 drug suspects, patay sa nakalipas na magdamag sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Walong pinaghihinalaang mga sangkot sa illegal drugs ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente sa Metro Manila.

Mula alas 9:00 ng gabi kagabi hanggang ngayong Biyernes ng umaga, walo ang naitalang nasawi sa magkakahiwalay na insidente sa Maynila, Taguig, Caloocan, Pasig, Quezon City at Marikina.

Sa Pasig City, isang lalaki ang natagpuang patay sa Luis St. sa Barangay San Miguel sa Pasig City. Nakasuot ng itim na t-shirt at brown na short ang lalaki, nakatali ang kamay at iniwanan ng karatula na “Huwag tularan, ako’y isang pusher”. May nakuha ring limang sachet ng shabu sa nasabing lalaki.

Kuha ni Jong Manlapaz

Sa Caloocan City, tinambangan ang lalaking nakilalang si Marvin Mata sa Barangay 177 Camarin, Caloocan. Patungo n asana sa istasyon ng pulisya si Mata para kusang sumuko dahil aminadong siya ay gumagamit ng shabu nang ito ay tambangan ng hindi pa nakikilalang suspek.

Sa NAPOCOR Village sa Quezon City, isang dating pulis ang patay, matapos na manlaban sa ikinasang operasyon ng QCPD. Kinilala ang suspek na si PO3 Cesar Obligacion na isa rin umanong gun runner. Nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na may magaganap na transaksyon sa lugar, kaya agad silang nagsagawa ng operasyon at naaktuhan ang suspek na nag-aabot ng shabu.

Sa Barangay Tañong sa Marikina City, patay din ang isang lalaki matapos na manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng drug buy-bust operation. Nakuha sa suspek ang anim na sachet ng shabu at kalibre 38 baril.

Patay din ang suspek na si Melchor Dela Cruz matapos na pumalag nang arestuhin sa kaniyang bahay na ginagamit umanogn drug den. Sampung sachet ng shabu at mga drug paraphernalia kabilang ang kalibre 38 na baril ang nakuha mula sa bahay ng suspek.

Sa Balut, Tondo sa Maynila pa rin, patay ang suspek na si Jessie Narag matapos akmang kukuha ng baril nang sitahin ng mga pulis na aaresto sa kaniya. Kilalang holdaper at pusher si Narag sa lugar. Nakuha mula sa suspek ang tatlong sachet ng shabu, isang sumpak at isang kalibre 45 na baril.

Sa Western Bicutan sa Taguig, pumalay sa Oplan Tukhang ng mga pulis ang 27 anyos na si Deryl Batalan. Naunahan naman ng putok ng mga otoridad si Batalan na agad ikinasawi nito, Nakuhanan siya ng apat na sachet ng shabu at kalibre45 baril.

Sa Taguig pa rin, isang hinihinalang biktima ng summary execution ang nagtagpuan sa isang bakanteng lote sa Sapang Viejo, Barangay Ligid Tipas. Ayon kay PO2 Victor Biete ng Taguig City PNP pasado alas 5:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktimang lalaki na nakasilid sa isang itim na garbage bag. Nakasuot ng cream ng t-shirt at itim na short pants ang biktima at katamtaman ang pangangatawan. May iniwan ding karatula ang mga suspek sa bangkay ng biktima na “PUSHER, HUWAG TULARAN, CARNAPPER, RAPIST”.

 

 

Read more...