Gusto ni Bossing na maging malinaw sa kanilang mga empleyado at mga talents na iwasan ang pag-gamit ng illegal drugs dahil nakasalalay dito ang integridad ng broadcasting network.
Partikular ang nasabing “Boss” sa imahe ng kanyang mga talents lalo na ang mga artista.
Hindi kasi lingid sa kaalaman ng naturang executive na mayroong mga artista pati na rin ang ilang direktor sa kanilang network ang certified durugista.
Isa sa mga ito ang mismong direktor ng isang daily soap na nagpapakita pa naman ng kampanya ng pamahalaan kontra krimen kasama na ang illegal drugs.
Sinabi ng broadcast executive na aalisin sa trabaho ang mga tauhan na mahuhuli o masasama sa listahan ng pamahalaan ng mga users at lalo na kapag drug pushers.
Alam ni Boss ang masamang epekto ng droga dahil minsan na rin siyang gumamit nito.
At dahil sa kanyang pagiging drug addict noong araw ay sumabit pa siya sa isang rape case kasama ang isang dating Congressman na taga Central Luzon.
Alam ni Boss na kapag may sumabit siyang tauhan o talent sa droga ay muli na namang mahahalungkat ang kanyang dating kaso na hindi naman umusad sa korte dahil binayaran daw ang complainant.
Nakarating na rin sa kaalaman ng top executive na ito ang pagiging drug dependent ng isa nilang beteranong direktor pero pinagsabihan lang ito na maging maayos sa kanyang trabaho.
Pero isa sa mga pagbabago sa network ngayon ayon sa ating Cricket ay ang mandatory drug testing sa lahat ng mga sasali sa kanilang reality show.
Sana lang ay ganito rin ang kanyang gawin kasama ang ilan sa mga malalaking artista sa kanilang network.
Di natin kailangan ng dagdag pang clue tutal nandyan naman ang “Mr. Google”.