Nilapitan ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Pangulong Fidel Ramos upang pangunahan ang negosasyon sa China sa gitna ng naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration na pumapabor sa reklamong inihain ng Pilipinas.
Sa pagharap nito sa isang testimonial dinner sa Club Filipino sa pangunguna ng San Beda College, sinabi ni Duterte na kanyang hiningi na kay FVR na magtungo sa China upang simulan ang dayalogo.
Bukod kay Ramos, may iba pang mga personalidad siya aniyang kinakausap na posibleng makatulong na maresolba ang sitwasyon. Iginiit din ni Pangulong Duterte na hindi magiging opsyon sa usapin ang pagpasok ng bansa sa giyera.
Matatandaang matapos lumabas ang desisyon ng PCA, agad na pinulong ni Duterte ang kanyang Gabinete upang pag-usapan ang susunod na magiging hakbang.
Una nang sinabi ng Pangulo na nais niyang isulong ang bilateral talks upang pag-usapan ang isyu sa South China o West Philippines Sea.