Hinahanapan na ng legal na paraan ng Department of Finance (DOF) na mapawalang-bisa ang Executive Order No. 198 ng Aquino administration na nag-uutos na pag-isahin ang Landbank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
Ayon kasi kay Finance Sec. Carlos Dominguez III, ang ganitong hakbang ay hindi maaring idaan lamang sa isang executive order, kundi dapat idaan rin sa lehislatura.
Aniya, hindi niya maisip kung paanong naging layunin ng Lanbank-DBP merger na mas mapagsilbihan nang maigi ang publiko, gayong magkaiba ang mandato ng dalawang bangko.
Paliwanag niya, problema ng mga magsasaka ang hinaharap ng Landbank habang problema naman sa industriya ang sa DBP.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Deputy Governor Nestor A. Espenilla Jr., nakatakda pa lamang dapat na pormal na mag-apply ng merger ang DBP at Landbank.
Nakatanggap na aniya sila ng business plan para sa nasabing merger, ngunit kailangan pa nitong mapa-payag ang BSPO at ang Philippine Deposit Insurance Corp.
Matatandaang iniuutos sa EO 198 na nilagdaan ni dating Pangulong Aquino na mag-merge ang DBP at Landbank sa loob ng isang taon.