Himalang nakaligtas ang isang alkalde sa Maguindanao matapos siyang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang suspek, hapon ng Huwebes.
Pauwi na sana si South Upi Mayor Reynalbert Insular mula sa Cotabato City nang biglang paputukan ng rocket-propelled grenade ang kaniyang convoy habang dumadaan ito sa Kilometer 28 ng North Upi Town.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao police spokesperson Chief Insp. Tonald de Leon, sumablay ang granada sa kampo ni Insular.
Nauwi ito sa saglit na pakikipagbarilan ng mga police escorts ni Insular sa mga suspek.
Sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente. Isa ang bayan na pinaglilingkuran ni Insular sa mga idineklarang “areas of immediate concern” ng Commission on Elections dahil sa girian ng mga magkakalaban sa pulitika.
Ilang araw lang makalipas ang eleksyon, napatay na agad ang isang reelected nakonsehal ng South Upi na si Warlito Pinuela.