Robredo, tinawag na malisyoso ang alegasyong secret meeting kay Comelec Chairman Bautista

Leni Robredo“Very malicious!”

Yan ang reaksyon ni Vice President Leni Robredo hinggil sa kumakalat na video sa social media na may secret meeting daw sila ni Commission on Elections o Comelec Chairman Andres Bautista.

Sa isang press conference, sinabi ni Robredo na walang naganap na anumang secret meeting sa pagitan nila ng Comelec chair.

Pero kinumpirma ni Robredo na dumalo siya sa isang dinner party, kung saan isa si Bautista sa mga panauhin.

Nagbatian lamang daw sila subalit hindi nagkausap.

Dagdag ni Robredo, maraming bisita sa naturang party gaya nina US Ambassador Philip Goldberg, Ombudman Conchita Carpio Morales at iba pang iba.

Bwelta ni Robredo sa mga nagpakalat ng alegasyon, kung may secret meeting talaga sana’y pinakita kung nag-usap sila dahil sa kanyang pagkakantanda ay hindi sila nag-usap.

Sa isang video na nakaupload sa Facebook page na Dayaang Matuwid, mapapanuod sina Robredo at Bautista na dumating nang magkahiwalay sa isang condo na pag-aari ng socialite na si Baby Cruz sa Makati City.

Mula nang i-up sa FB ang naturang video, umani na ito ng reaksyon lalo’t kinukuwestiyon pa rin ang pagka-panalo ni Robredo sa 2016 Vice Presidential race.

Nagsampa na ng reklamo ang kampo ni dating Senador BongBong Marcos sa Comelec, maging sa Presidential Electoral Tribunal laban kay Robredo.

Read more...