Nakatakdang magtungo sa Malaysia si Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana sa susunod na linggo.
Ito’y upang makipagpulong sa Defense Minister ng Malaysia at Indonesia para talakayin ang gagawing solusyon sa lumalalang problema ng kidnapping sa karagatan ng Malaysia, Indonesia at Pilipinas.
Pero paglilinaw ni Lorenzana, pagpapatuloy na lamang ito ng sinimulan nang pag-uusap noon ng dalawang foreign officials kasama ng noon ay Defense Secretary Voltaire Gazmin.
Giit naman ni Lorenzana, hindi sila mangangapa sa gagawing kooperasyon ng tatlong bansa laban sa mga kidnapper sa karagatan dahil mayroon na umanong naunang Border Patrol Agreement ang tatlong bansa.
Sa ngayon, tumanggi muna si Lorenzana na banggitin ang iba pang gagawing istratehiya ng tatlong bansa para masolusyunan ang problema ng kidnapping sa katimugang bahagi ng Pilipinas na kadalasang kagagawan ng Abu Sayyaf Group.