Pinag-aaralan na ngayon ng Department of Health ang paglalagay sa mga sumusukong adik sa mga islang pagmamay-ari ng gobyerno para doon isagawa ang rehabilitasyon.
Ayon kay Health Secretary Paulen Jean Ubial, mismong si Philippine National Police chief Gen. Ronald Dela Rosa ang nagbigay ng rekomendasyon para ilagay sa mga isla ang mga adik para i-rehab.
Ito aniya ay upang matutukan ang rehabilitasyon at dahil na rin sa usaping seguridad.
Dagdag pa ni Sec. Ubial, madali nang gumawa ng mga tents ang Engineering Brigade ng Philippine Army kung sakaling matuloy ang plano.
Sinabi ng kalihim na mayroon lamang dalawampung drug rehabilitation and treatment facilities ng DOH at mga Local Government Unit na kaya lamang tumanggap ng limang libong pasyente kaya’t ang paglalagay sa isla ang isa sa nakitang posibleng solusyon ng gobyerno.
Pero, pinag-aaralan na rin ng DOH na i-convert sa drug rehabilitation center ang ilang pasilidad na inialok ng mga LGU.