Iistorbohin lang ng imbestigasyon sa Senado ang maganda nang takbo ng laban kontra iligal na droga ngayon.
Ito ang paniniwala ni Sen. Panfilo Lacson kaya nananatili siyang malamig sa pagsusulong ng imbestigasyon sa Senado kaugnay sa mga operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga drug suspects.
Matatandaang isinusulong ito ni dating Justice Secretary at ngayo’y Sen. Leila de Lima dahil sa dumaraming napapatay sa mga anti-illegal drugs operations.
Ayon kay Lacson, sisirain lamang nito ang momentum ng mga operasyon lalo’t ang dami nang sumusuko ngayon sa mga otoridad.
Gagawa rin lang aniya ito ng eksena sa Senado sa halip na pagtuunan na lamang ng pansin ang iba pang mga isyu.
Trabaho na aniya ito ng Commission on Human Rights (CHR) o kaya ng Department of Justice (DOJ).
Dagdag pa ni Lacson, sakali mang mayroong kamalian ang ilang mga pulis na nauuwi sa extrajudicial killings, hindi dapat ang buong pwersa ng PNP ang imbestigahan kundi ang mga indibidwal na pulis na gumagawa nito.