Paglagak ng pyansa ni Enrile, pinagtibay ng SC

 

Inquirer file photo

Pinagtibay ng Supreme Court ang nauna nitong pasya na pahintulutang makapaglagak ng pyansa si dating Senador Juan Ponce-Enrile.

Base sa botong 7-6-1, ibinasura nito ang motion for reconsideration na inihain ng Office of the Solicitor General para baliktarin ang naging paborableng desisyon sa dating senador.

Base sa desisyon ng korte, sinabi nito na hindi lingid sa kaalaman ng publiko ang kundisyong pagkalusugan ni Enrile dahil sa nakasaad naman ito sa inihaing Omnibus Motion at Motion to Fix Bail ng dating senador sa Sandiganbayan.

Ayon sa Supreme Court, suportado naman ito ng mga medical certificate na nagpapakita ng pagiging mahina ni Enrile bukod pa sa naging findings ng mga government doctors mula sa Philippine General Hospital.

Mali din ayon sa Supreme Court na sabihing napaboran si Enrile na pansamantalang makalaya dahil sa ito ay nakaupong senador kundi dahil ito sa mga legal na batayan.

Sinabi ng korte ang karapatan para makapaglagak ng pyansa ay ipinagkakait lamang sa humihiling nito kung ito ay flight risk.

Hindi rin anila flight risk si Enrile, dahil matanda at mahina na rin ang dating senador bukod pa sa respeto nito sa legal process ng bansa, tagal sa public service at reputasyong pinapangalagaan.

Idinagdag pa ng korte na wala silang sapat na dahilan para hindi pagbigyan ang kahilingan nitong makapag pyansa dahil sa edad nitong 92 at noon lamang nasampahan ng seryosong kaso sa korte.

Read more...