Ilang oras pa lamang ang nakalilipas makaraang paboran ng Permanent Court of Arbitration ang Pilipinas sa kasong isinampa nito, idinaan sa ‘cartoons’ ng China ang pang-aalaska sa naging desisyon ng naturang korte sa kaso.
Ayon sa ilustrasyong lumabas sa Xinhua News Agency, inalaska at tinawag na ‘farce’ o peke ng mga animal cartoon characters ang naging desisyon ng PCA at iginiit na wala itong hurisdiksyon sa usapin.
Inilarawan din ang iba’t-ibang tugon ng China sa ilang punto na ipinarating ng Pilipinas sa PCA na anila’y pawang mga walang basehan.
Kabilang dito ang tugon na kahit na mas malapit sa ating bansa ang mga isla ay hindi ito nangangahulugan na ito ay pag-aari na ng Pilipinas.
Nakatuon din aniya ang kanilang pag-angkin sa South China Sea sa kasaysayan dahil matagal na silang naglalayag sa lugar.