“Ethics complaint” laban kina Atienza at Dela Cruz

atienza file inquirer
inquirer file photo

Sinampahan ng “ethics complaint” ni dating Senador Rene Saguisag sa kamara ang dalawang kongresista na naghain ng treason at inciting to sedition cases kontra sa peace negotiators ng gobyerno na nagsusulong ng Bangsamoro Basic Law o BBL.

Sa reklamo ni Saguisag na dinala sa tanggapan ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr at House Ethics Committee, pinaiimbestigahan nito sina Buhay Partylist Rep. Lito Atienza at ABAKADA PL Rep. Jonathan dela Cruz, ang mga nagsampa ng kaso laban sa peace process officials noong May 28.

Matatandaang sa complaint-affidavit ng dalawang mambabatas na inihain sa Manila City Prosecutor’s Office, pinakakasuhan sina Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Teresita Deles, GPH Chief Peace Negotiator Miriam Coronel-Ferrer, incumbent Supreme Court Justice Marvic Leonen at iba pang mga miyembro ng peace panel na may partisipasyon sa usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Pero giit ni Saguisag, ang hakbang na ito nina Atienza at Dela Cruz ay kailangang siyasatin ng Ethics Panel o kahit ng isang Ad Hoc, upang maiwasan na maulit ang tinawag niyang “mischief” at “premature ejaculation.”

Sinabi pa ni Saguisag na dapat na paalalahanan ang aniya’y “misguided duo” na makipagtulungan sa gobyerno, at hindi makipag-away sa Ehekutibo at maging sa isang Supreme Court Justice.

Pinayuhan naman ni Saguisag sina Atienza at Dela Cruz na kung talagang tutol sila sa peace process, sila mismo ang mag-udyok sa kanilang mga kapwa Mambabatas na bumotong NO sa BBL, batay sa “legally tenable, intellectually respectable at psychologically satisfying arguments.”/ Isa Avendaño-Umali

Read more...