Sa mga tiwaling pulis, “May kalalagyan kayo!”-Marquez

marquez via alvin
Kuha ni Alvin Barcelona

Pinarerebisa na ni bagong Philippine National Police (PNP) Chief Police Director Ricardo Marquez ang pamamaraan ng pagpapataw ng disiplina sa mga nagkakasala o umaabusong pulis.

Sa kaniyang talumpati sa change of command sa PNP, sinabi ni Marquez na sawang-sawa na siya sa hindi magandang tingin ng publiko sa mga alagad ng batas.

“Sa mga kapulisang matitino at malinis ang hangaring maglingkod sa bayan, hindi ba kayo nagngingitngit kapag naririnig ang mga salitang ‘palibhasa kasi pulis’, kapag may pulis na nasasangkot sa katiwalian?” tanong ni Marquez.

Sinabi pa ni Marquez na sa kaniyang pagreretiro sa 2016, ang ambisyon niya ay maiwanan ang hanay ng pulisya na may tapang, dangal at tinitingala ng buong sambayanan.

Matindi rin ang bilin ni Marquez sa mga pulis na tuparin ang kanilang tungkulin at huwag labagin ang batas.“Sa lahat ng pulis, ito ang tinitiyak ko sa inyo, do your job well and you will be rewarded but betray your oath and violate the law, sisiguraduhin kong may kalalagyan kayo,” sinabi ni Marquez.

Nais din ni Marquez na maibalik ang pagpapatrulya ng mga pulis sa mga komunidad. Sa pamamagitan nito, sinabi ni Marquez na gigising ang bawat Pilipino na gumising araw-araw nang walang anumang pangamba sa kanilang seguridad.

Kasabay nito, sinabi ni Marquez na ini-utos na rin niyang maibalik ang barangay-based na kampanya ng PNP laban sa droga.

Hiniling ni Marquez sa lahat ng tauhan ng PNP na makipagtulungan sa kaniyang liderato upang makamtan ang mithiing maibalik ang tiwala sa organisasyon./Dona Dominguez-Cargullo

Read more...