Nahuling ‘Chinese spies’ iniugnay ni Tolentino sa ‘China drones’

METRO MANILA, Philippines — Malakas ang hinala ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na may kaugnayan ang nahuling diumano’y Chinese spies at ang mga narekober na submersible drones sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Sa pagdinig nitong Miyerkules ng pinamumunuan ni Tolentino na Senate special committee on maritime and admiralty zones, sinabi ng senador na ang kanyang teorya ay base mga nakuhang impormasyon mula sa ibat-ibang ahensya.
Sinabi nito na ang mga naibahagi sa pagdinig ay maaring “tip of the iceberg” pa lamang at marami pang matutuklasan na mga drone sa karagatan ng bansa na ginagamit sa pang-eespiya.
Iprinisinta sa pagdinig ang yellow submersible drone na nakuha sa Masbate, gayundin ang black drone na nakuha naman sa Batanes at ang bouy na nakuha sa Zambales.
BASAHIN: Donasyon ng ‘Chinese spies’ sa PNP, LGUs iimbestigahan – PCO
Kinumpirma ni Philippine Navy Rear Adm. Alan Javier na ang nakuhang drone ay maaring may “military purpose.”
Ito aniya ay may SIM ng China Telecom at nagpapadala ng mensahe sa isang receiver na may area code ng China.
Nilinaw naman ng opisyal na wala pang konkretong ebidensiya para tumbukin ang China sa mga impormasyon na nakuha ng drone.
Sa bahagi naman ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation, ipinaliwanag ng dalawang ahensiya sa pagdinig ang mga naisampang kaso ng pang-eespiya laban sa ilang Chinese nationals.
Naipaliwanag din ang kakayahan ng “spy devices” na nakuha sa mga suspek tulad ng pag-intercept sa communication signals at ang pagbuo ng mga mapa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.