PNP special team sisilipin pagdukot, pagpatay sa Chinese trader
METRO MANILA, Philippines — Bumuo ang Philippine National Police (PNP) ng special investigation task group para mapabilis ang pag-iimbestiga sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyanteng Chinese national at sa kanyang driver.
Natagpuan kahapon ng Miyerkules sa lalawigan ng Rizal ang katawan ni Congyuan Guo (alias Anson Tan at Anson Que) at ng driver nitong si Armanie Pabillo.
Sinabi ng PNP spokesperson, na si Brig. Gen. Jean Fajardo, na may mga indikasyon na ginulpi at sinakal ang mga biktima.
BASAHIN: Ex-cop, 3 pa timbog sa tangkang kidnap sa Chinese businesswoman
Ayon pa kay Fajardo ang special group ay pamumunuan ng PNP chief of directorial staff na si Lt. Gen. Edgardo Okubo, at ang pag-iimbestiga sa kaso ay pangungunahan ni CIDG director na si Maj. Gen. Nicolas Torre III.
Huling nakitang buhay ang negosyante noong ika-29 ng Marso nang umalis ito ng kanyang opisina sa Valenzuela City.
Nang hindi ito nakauwi, kinabukasan ay nag-ulat na ang kanyang pamilya sa PNP Anti-Kidnapping Group.
Noong nakaraang Martes, narekober sa Barangay Bahay Toro ang sasakyan ng biktima at sinabing iniwan ito ng dalawang katao.
Kaugnay nito, sinibak sa puwesto ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil si AKG director Brig, Gen. Elmer Ragay at pinalitan siya ni Col. David Poklay.
Samantala, tiniyak ng Malacañang na kumikilos ang mga awtoridad para maresolba ang kaso.
Nabatid ng Radyo Inquirer na nagpahatid ng kanilang labis na pag-aalala ang Filipino-Chinese community sa gobyerno dahil sa diumanoy 12 na kaso na ng pagdukot ang naitala ngayon taon.
“Ang lahat po ng nagaganap dito ay pinagbilin po ng Pangulo na dapat imbestigahang mabuti para po ma-lessen o ma-eradicate ang mga ganitong klaseng krimen dito sa Pilipinas,” sabi ni Palace Press Officer Claire Castro
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.