
METRO MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Sen. Imee Marcos ang sulat sa kanya ni Executive Secretary Lucas Bersamin ukol sa hindi pagdalo ng ilang miyembro ng gabinete sa pagpapatuloy ng pagdinig kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Marcos na kagabi niya natanggap ang sulat mula kay Bersamin at ito ay para sa pagdinig sa Huwebes, ika-3 ng Abril.
“Nakakalungkot naman kasi alam ninyo maraming tanong pa rin. Preliminary report lang naman ang tinaya ko. Marami pa ring katanungan ang taumbayan, madami ang nagte-text at nagtatanong,” sabi ni Marcos.
BASAHIN: Palace ipinaalam ‘executive privilege‘ sa Duterte arrest hearing
Dinagdag pa ng senadora na may mga katanungan ukol sa magugulong datos at impormasyon ang kailangan din ng malinaw na kasagutan.
Aniya ang ibinigay na katuwiran ng Malacañang ay “executive privilege on subjudice.”
Umaasa pa rin si Marcos na magbabago ang posisyon ng Malacañag at papayagan ang ilang miyembro ng gabinete na humarap sa pagdinig ng pinamumunuan niyang committee on foreign relations,.