Palace ipinaalam ‘executive privilege‘ sa Duterte arrest hearing

METRO MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Lunes na nag-abiso ng Malacañang ukol sa paggamit nito ng “executive privilege” sa pagdinig sa Senado ukol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Escudero, sumulat sa kanya at kay Sen. Imee Marcos si Executive Secretary Lucas Bersamin at ipinaalam na maaring igiit ng mga miyembro ng gabinete na haharap sa pagdinig ang kanilang executive privilege.
Si Senator Marcos ang namumuno sa Senate committee on foreign affairs na nagsagawa ng pagdinig.
BASAHIN: Marcos admin officials itinangging isinuko sa ICC si Rodrigo Duterte
Sa executive privilege, mananatiling confidential ang mga pakikipag-usap ni Pangulong Ferdinad Marcos Jr. sa mga miyembro ng kanyang gabinete ukol sa pagsisilbi ng arrest warrant ng International Criminal Court kay Duterte.
Sinabi ni Escudero na ang paggamit ng executive privilege ay kinilala na ng Korte Suprema, ngunit hindi ito maaring igiit sa lahat ng mga tanong sa mga miyembro ng gabinete.
Dinagdag pa ng senador na ang pribilehiyo ay hindi rin maaring gamitin upang hindi humarap sa pagdinig.
Sabi pa ni Escudero, hindi na niya sinagot ang sulat ni Bersamin dahil nabasa niya ito bago magsimula ang pagdinig.
Mariin naman nitong itinanggi ang mga umugong na tinangka niyang pigilan ang pagsasagawa ng pagdinig.
Sa pagdinig, ginamit ng magkapatid na Interior Secretary Jonvic Remulla at Justice Secretary Jesus Remulla ang executive privilege sa ilang tanong ni Senator Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.