PNP pinasinungalingan pagbawi ng police security ni Bato dela Rosa

METRO MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang pagbawi sa dalawang police security details ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sinabi ni PNP spokesperson, Brig. Gen. Jean Fajardo, na may apat pang police security detail si dela Rosa sa kabila ng limitasyon na dalawa lamang.
Kinumpirma naman ni Fajardo na dalawa sa mga pulis na nagbabantay sa senador ang binawi ngunit aniya nangyari ito noon pang ika-13 ng Enero alinsunod sa kautusan ng Commission on Elections (Comelec).
BASAHIN: Si Marcos dahilan sa balak ko na iwasan ICC warrant – dela Rosa
Binanggit ng opisyal ang Comelec Resolution 11067, na patungkol sa election gun control at security personnel sa very important persons o VIPs.
Sa ngayon aniya, may apat pang pulis na nagbabantay sa senador base sa Certificate of Authority mula sa Comelec at mapapawalang-bisa sa darating na Hulyo 11.
Pinaliwanag pa ni Fajardo na nakasaad sa Certificate of Authority na dalawa lamang dapat ang pulis na nakatalaga kay dela Rosa ngunit ang bilang ay depende sa “threat assessment.”
Kahapon ng Martes, ibinahagi ni dela Rosa na binawi na sa kanya ang dalawa niyang police security details na nakatalaga sa Davao City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.