Palasyo nababahala sa ‘zero remittance’ plan ng Duterte OFWs

PHOTO: Rodrigo Duterte FOR STORY: Palasyo nababahala sa ‘zero remittance’ plan ng Duterte OFWs
Dating Pangulong Rodrigo Duterte (Kuha mula sa Facebook page niyá)

METRO MANILA, Philippines — Inamin ng Malacaãng nitong Martes na may epekto kung matutuloy ang binabalak na “zero remittance week” ng mga grupo ng overseas Filipino workers (OFWs).

Ang binabalak ay bahagi ng protesta kaugnay sa pag-aresto ng International Criminal Court kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at pagkakakulong niya ngayon sa The Hague sa Netherlands.

Kayat umapila si Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro sa mga grupo na maging mahinahon sa katuwiran na sumusunod lamang ang gobyerno sa batas.

BASAHIN: Marcos admin officials itinangging isinuko sa ICC si Rodrigo Duterte

“Of course, mas gugustuhin po natin na maging mahinahon ang bawat Filipino sa ganitong klaseng isyu. Sana po ay malaman din po nila na ang pamahalaan at ang gobyerno ay tumutupad lamang sa ating batas,” ani Castro.

Binanggit din niya na maraming Filipino na nabiktima ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

“Sana ay maging patas din po sila sa kanilang pananaw para po maibsan ang anumang puwedeng kahitnan ng kanilang gagawin,” dinagdag pa ng opisyal.

Aniya lubos na maaapektuhan ng balakin ang pamilya ng nagpo-protestang OFWs.

Read more...